YEY sawakas.
WARNING. basta, you have been warned. :D
+ + +
Haay nako. Grabeng trapik talaga sa Ampid* kahit kailan. Heto na naman, gagabihin na ko nang sobra sa pag-uwi dahil halos naka-park na sa kalsada ang mga sasakyan sa sobrang trapik. Baka mas maaga pa kong makauwi kung maglalakad na ko e. Ang dami na rin ngang tulog sa jeep eh. Pero hindi naman marami ang nakakalagpas sa dapat nilang babaan, kasi, pagkagising nila, tanaw pa rin nila, o mas malala, nandun pa rin sila, sa kung saan sila nakatulog.Sigurado, pag-uwi ko, papagalitan na naman ako.
"Bakit ka ginabi?", yan na naman ang itatanong sa kin ng tatay ko pag nagmano na ako. Sa lahat ba naman kasi ng lalakwatsahang mall, sa SM North pa? Ang layooo kaya nun. Ginabi na tuloy. Buti na lang at naisipan kong bumili ng pasalubong ngayon. Siguradong patatawarin nila ako't ngingitian na pag nakita to.
Halos alas nuebe na ko nakababa ng jeep atsaka sumakay sa tricycle. Mga lima o sampung minuto pa bago ako tuluyang nakapagbukas ng gate ng bahay namin.
Nagmano ako. Syempre, tinanong ako ng tatay ko kung bakit ako ginabi. Sinagot ko na may binili pa kasing regalo yung kaibigang kasama ko kanina at natagalan kami. Totoo naman e. Alas siete na kaya kami umalis ng SM ni Li. Ewan ko ba kung bakit, hindi ko na lang muna nilabas yung pasalubong ko, na para bang hindi naman talaga yun ang importanteng bagay sa gabing to.
Umakyat na ako ng hagdan at tumungo sa magulo pero maayos kong kwarto. (Eh maayos naman kasi yun, mukha lang magulo sa ibang tao. Kanya-kanyang reference frame lang yan! Haha. Paborito ko talaga tong palusot.)
Nag-aayos na ko ng grad pics ng mga batchmates ko nang biglang may tumawag sa kin.
"ATE! Ate, kain na daw.", tawag ng kapatid kong lalaki.
Maya-maya, "ATE! Kain na sa baba!", tawag naman ng kapatid kong babae tsaka siya tumungo sa kwarto niya.
Naisip ko, hipokrito talaga tong mga to. Tatawag-tawag para maghapunan tapos sila rin hindi pa kakain. Tsk. Tapos napangiti ako. Kahit ganito, at least ngayon, sabay-sabay na kaming kumakain ng hapunan.
Nako, kung alam nyo lang dati. Hanep, parang araw-araw may giyera sa bahay. Kaya ata ako suicidal noon eh. Hindi ba naman frustrating ang mawalan ng 'sanctuary'? Punung-puno ka na nga ng pasakit sa skwela, tapos pag-uwi mo, giyera pa. Ang hirap, grabe. Buti na lang naagapan ang gulo. Ngayon masaya lang talaga ako na sama-sama na ulit kami.Bago ako lumabas ng kwarto, nakita kong nagpapahinga sa kama ko ang bago kong sketch pad, si Ketchi. Pansamantala muna ang pangalan na yun, wala lang talaga akong maisip. Wala pa atang sampung pahina ang nagagamit ko run eh. Nalungkot ako bigla.
Nitong mga nakaraang araw kasi, twing haharap ako sa isang blankong pahina ng sketch pad ko, mapapansin kong pati ako mismo, blanko. Wala akong maiguhit, wala akong maisulat, wala akong maikwento nang maayos. Wala. Blanko. Alam mo ba kung gaano ka-frustrating yun? Habang alam ko namang marami akong posibleng paksa: nandyan yung tungkol sa takot na binigay sa kin ng Forever ko nung isang araw sa footbridge. Hilahin ba naman nya ko sa may gilid nun habang alam na nga niyang takot na takot ako sa heights!
Andyan pa yung pagtawid namin sa mga kalye, sa pagtatabi namin sa ilang jeep, yung pangingidnap ko sa Project2.. mga kakornihan ng buhay..
Andyan yung pagtawa ng ilang tao sa pangarap ng isang altophobic na tulad ko na maging isang piloto balang araw.Andyan yung pagkasabik ko sa bespren kong maganda.
Andyan yung pag-abot ng clearance ko sa buwan ng Abril. Akalain mo, gradweyt ka na, pumapasok ka pa? Hanep!
Andyan yung pagkabato ko sa bahay dahil walang internet.
Andyan yung pagkasabik kong makapaglaro muli ng basketball kasama ang buong varsity. Nako, miss ko na talaga sila.
Mga ganung bagay. Andami ko namang pwedeng ikwento, pero pag hawak ko na ang lapis na sabik nang humalik at humalay (Naks! R18 na to!) sa mga pahina ng sketch pad ko, wala na. Namamatay na ang lahat. Habang dati pro ako dito. Shet, ano ba to? Grabeng block naman to.Kung sabagay, noon nga ay mabilis akong makapagsulat o gumuhit, lalo na pag mula sa giyera sa bahay ang inspirasyon. Pro talaga ako!
Pero ngayon, siguro mabuti pa ngang hindi na lang ako muling makapagsulat o makaguhit wag lang bumalik ang mga araw na yun.
O siya, nagugutom na rin ako. Tama na muna ang pag-iisip sa inspirasyong giyera na yun. Kakain muna ako bago pa magbalik ang sakit ko na sumusuka kaagad kahit di pa busog at konti pa lang ang nakakakain. Dati kaya kong umubos ng tatlong Mcdo Value Meals (May kanin!) nang sunud-sunod at mabitin pa eh, ngayon kahit isang fry pa lang ata ang kainin ko halos iluwa ko na ang buong digestive system ko. Tae talaga.
Haha. Kanina nung kumain kami ng kaibigan ko sa Jollibee, nakaubos na rin ulit ako sa wakas ng isang full meal! Ngayon, excited na kong ipakita sa pamilya ko na ok (o bumubuti..) na ang pagkain ko. Proud ata ako!
Kahit tuyo, gulay na ayoko at kanin lang ang nasa hapag, walang reklamo. Masaya ako ngayong gabi. Ako nga pala ang unang umupo sa may dining table atsaka sila inaya. Hindi ako hipokrito no.
Sa wakas ay umupo na rin sila. Ok na sana ang pagkain nang biglang.
"Bakit sa twing kakain na tayo tsaka ka ganyan?", asar na sabi ng tatay ko. Narinig ko siya, pero hindi ko na lang pinansin. Ayos lang yan, lilipas din, sabi ko sa sarili.
Kalabog. Palo sa mesa. "Nakakawalang gana! Bakit hindi tayo magkasundo? Bakit ayaw mong pakinggan ang sinasabi ko?!"
Nako, nag-aaway na naman sila. Tinuloy ko lang ang pagkain. Ewan ko ba, mula nung muntik maghiwalay ang mga magulang ko at sa wakas ay nag-usap-usap ang pamilya nung Disyembre 10, 2006, mas naging kampante na ako sa bahay. Tuloy lang ang kain. Masaya pa rin ako. Buo pa kami.
Oo, malabo talaga na masaya pa rin ako kahit nag-aaway na sila. Naisip ko kasi na wala naman talagang mag-asawa na di nag-aaway. Part lang yan.
Kalabog. "Ayoko ng ganyan!"
Palo sa mesa. Kuha ng tsinelas. Lumabas ng bahay ang tatay. Ang nanay ko naman, umupo sa mesa, nagsimulang kumain at nagsalita. Nagkumento sa mga sinabi ni Papa. Dinidepensahan ang sarili.Yun ang ayaw ko sa kanila eh. Ayos lang sana na nag-aaway sila paminsan-minsan. Di nagkakasundo.. Normal lang naman kasi yun. Pero ang magsalita sa likod nung isa? Ayoko talaga ng ganun. Tapos pahihirapan nila ako sa twing kakausapin ko sila kasi pareho nilang susubukang makuha ako sa panig nila? Haay nako.
Tinuloy ko na lang ang pagkain at inaliw ang sarili sa pag-iisip na ok na ulit ang eating habit ko.
Pero walang anu-ano'y bumigat ang lalamunan ko. Nagnais na bumuka ang bibig, ako'y napatayo at napatakbo sa lababo.
*Sound effects na di mo nais marinig.* Akala ko'y isinuka ko na naman ang buong digestive system ko. Pero mali. Iba to. Ibang-iba.
Namula ang buong kitchen sink. Napuno ng dugo na di mo nanaising malaman kung saan nanggaling. Nanghina ako. Halos hindi ko na nga masuportahan ang sarili sa pagtayo. Tuloy ang labas ng dugo. Sumusuka ako ng dugo sa unang beses sa buong buhay ko. Ang galing.Syempre, natunugan naman ako ng nanay ko't dali-dali akong sinubukang tulungan. Pero kahit siya'y di malaman ang gagawin. Tinawag nya ang ama ko sa labas na nagliliyab pa rin ang ulo sa init. Tila nawala ata ang galit nya nang makita ako. O baka naman ang lababo. Pero kahit alin man sa amin ng lababo ang nakapag-alis ng galit nya, wala na kong pake. Masyado akong busy noon na sumuka. Pasintabi lamang po sa mga kumakain, pero nakita ko bigla yung puso ko sa drain, inagos na.
Deh, biro lang.
Sinugod nila ako sa ospital. Pero hanep, hanggang sa sasakyan nag-aaway pa rin sila! Kala ko ok na e! Tungkol ata yun sa renta sa bahay. Hindi ko na gaanong inalam. Basta nag-aaway pa sila. Kulang pa ata yung dugong isinuka ko.
Pagdating sa ospital, di ko na nalaman ang nangyari. Sa unang beses sa buong buhay ko, ako'y hinimatay. (Ang daming 'firsts' ngayong gabi!)
~~~
Nagising ako na nakahiga sa isang kwarto, grabeng liwanag. Halos puti ang lahat. Fine, beige yung dingding at hindi puti, pero sobrang aliwalas. Mag-aala-una na ata yun o alas-dos ng umaga. Napansin kong may nakaturok sa kaliwa kong kamay. Hanep. Dekstros. Kinuhaan pa ata ako ng dugo. Kala ko talaga naubos na yun nung nagsuka ako sa kitchen sink e.
Commercial lang, ang galing nito. Ngayon na lang ulit ako nakapunta sa ospital na ang personal na rason ay walang koneksyon sa medical requirements ko sa Pisay o sa kung anong enrollment. Congrats naman. Ok, balik na.
Nakita ko rin yung nanay ko na sobrang problemado, naiiyak pa ata, at naka-yakap sa tatay ko. Ang galing! Bati na ba sila? Ewan. Unang beses kong nakitang magkayakap sila. (Pero di R18 na yakap ha, mahalay na yun.) Pero basta natuwa ako. Napagdesisyunan ko tuloy na pumikit na lang muli at matulog. Kunwari di pa ko nagkakamalay.
Pero di ako nagbibiro pag sinabi kong natuwa talaga ako sa pagmulat ko na yun. Ang sayang pagmasdan ng mga magulang ko, magkasama, nagdadamayan, di na nag-aaway. Wala nang giyera, sabi ko nga.
Kala daw nila mamamatay na ko. OA naman. parang sumuka lang ng ilang litro ng dugo e. Talaga tong mga magulang ko, parang cartoons. Buti na lang at buhay pa nga ako para masaksihan ang kanilang pagiging cartoons sa mundo.
Napangiti ako. Buhay ako't buo kami. Ang galing.
Nung pauwi na kami, napaisip tuloy ako. Ang saya ko talaga. Ang saya na buo ang pamilya mo. Ang saya-saya.
Naisip ko na malamang, kahit ilang litro pa ulit ng dugo ang ipasuka sa kin ni God, wag lang mawawala tong pamilya na to, ayos lang. Kakayanin. Ako pa.
In fairness, God, ang galing mo talaga. Akala ko rin, sa isang punto sa aking bloody moment, mamamatay na ko. Hindi pa ko nakakakita ng ganun karaming dugo sa isang gabi sa buong buhay ko ha! Salamat sa pagliligtas mo sa kin. Salamat sa pag-aayos mo sa mga magulang ko. Salamat sa kasiyahan. At salamat at nakapagsulat na akong muli.
Salamat at lagi kang nandyan. Kahit ilang systems pa ang iluwa ko, wag mo kaming iiwan ha?
Mahal kita.
+ + +
Kung fiction to o hindi, bahala na kayo. Basta masaya ako at nagpapasalamat talaga ako kay God. At morbid ako forever. :D
[ Haay. finally, nakapag-net na ulit. Buti na lang at ayos na ang pc pagka-uwi ko. :D ]
R01apr07.
*Ang Ampid ay isang barangay (?) sa San Mateo, Rizal na madadaanan kung galing kang Batasan. Ang susunod na barangay ay ang Guitnang Bayan 1, kung saan kami'y nakatira. :D Taga-Ampid si Conix. Haha. Wala lang.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home