Tuesday, July 19, 2005

musika ng demonyo

Ang rock music ay isang klase ng musika na nagsimula noong 1950's. Ito ay nagmula sa iba't ibang klase ng musika, tulad ng Rhythm and Blues, na ginamitan ng electric guitars, drums, at iba pa. Ngayon ay nagkaroon na rin ng iba't ibang klase ng rock music, tulad ng pop rock, metal, slow rock, funk rock, punk rock, heavy metal, at iba pa.

Ang klase ng musika na ito ay may malakas na dating; masasabing ito'y puno ng matitinding damdamin, minsan ay rebelyon, at talaga namag kakaibang tunog ng mga instrumento.Marahil minsan ay nagiging sobrang lakas na ng dating nito at minsan din ay hindi nagiging maganda ang mensahe ng mga kanta para sa ibang tao. Minsan naman ay tinatawag itong 'ingay' at hindi 'musika' ng iba. At madalas din itong nababansagan bilang "musika ng demonyo" ng mga galit sa klase ng musika na ito.

Ngunit bakit nga binababansagang "musika ng demonyo" ang rock music, at tama ba ito?

Hindi ba't madalas na binibigyan ng dalawang kategorya ang musika, ang 'mabuti', at ang 'masama'? Ang mabuting musika ay maaaring ihambing sa langit, tahimik, mahinahon, at magaan ang tunog, maaaring gamiting halimbawa rito ang classical music. Sa kabilang dako naman ay ang masamang musika na maaaring ihambing sa impiyerno, magulo, maingay, at bigatin ang tunog. Hindi ba't ang mga kantang rock ay halos laging pinatutugtog ng malakas, at minsan ay tila isinisigaw na lamang ang mga salitang bumubuo ng kanta? Ito marahil ang isang rason kung bakit inilalapit sa demonyo ang rock music ng mga taong hindi sumasang-ayon sa pagikha at pakikinig dito.Madalas ding idamay ang hitsura ng mga tumatangkilik sa klase ng musikang ito sa paghuhusga sa rock bilang ang musika ng kasamaan. Isipin natin na nakasanayan na ng tao na ang classical musicians ay may eleganteng ayos, ang mga mahihilig sa hiphop ay may maluluwang na damit, at gintong kwintas na mahaba, at iba pa. Ganoon rin sa mahihihilig sa rock. Kadalasan na sila raw ay naka-itim, at may mahahahaba o magugulong buhok. Minsan din, sila ay nakikitaan na may bungo sa kwintas o damit, o may maiitim na linyang nakapalibot sa mata, at iba pa na tila ay sumisimbolo sa kasamaan.

Marami sa mga sumasang-ayon na ang rock music ay ang musika ng demonyo ang gumagamit ng black mast. Pinatutugtog nila ang ilang mga kantang rock nang pabaliktad. At ano ang nakukuha nila mula rito? Sa ganitong paraan ay mga naririnig daw sila na mga salitang kung hindi minumura ang Diyos, ay nagbibigay papuri sa demonyo. Isang halimbawa ng mga kantang ito ay ang "Alapaap"ng Eraserheads. Nakarating pa ang kasong ito sa sendo at binalak nilang ipatigil ang pagpapatugtog ng kantang ito sa bansa. Ngunit hindi rin nanalo ang senado sa pagkakataong ito. Ang paggamit din ng black mast ang ginagamit na basehan ng ibang simbahan sa pagsasabing ang rock music ay ang musika ng demonyo.

Marami nga ang nagsasabi na musika ng demonyo ang rock, ngunit sa aking palagay, ang rock music ay hindi maaaring basta-bastang bansagan bilang gawain ng demonyo. Ang musika ay isang instrumento ng tao sa pagpapahayag ng kanyang damdamin, ideya, at mga saloobin. Ang rock music ay isang klase ng musika na nagpapakita ng matinding damdamin kaya't talagang malakas at tigasin ang dating nito. Ito ay isang paraan kung paano naipapakita ang matinding kalungkutan, galit, tuwa, kaguluhan, o kung ano pa man, sa loob ng isang rakista. Ang bawat damdamin at saloobing ipinapahayag gamit ang isang awit ay nararapat na tawaging musika, hindi ito basura, o simpleng "ingay" lamang. Ang rock ay musika, at hindi ingay. Hindi dahil madalas ay malakas at magulo ang tunog ng rock ay sinisimbolo na nito ang impiyerno. Simple lang, ito ay dulot ng matinding damdamin. Hindi rin nararapat na bansagang "musika ng demonyo" ang rock music dahil lamang sa hitsura ng mga tumatangkilik dito. Ang kanilang hitsura ay dala ng agos ng kultura na nakasanayan na, at hindi ng demonyo. At hindi dahil mukhang masama ang lumikha nito ay ibig sabihin na masama na mismo ang musikang rock. Ito ay produkto lamang ng mga gumawa na mukhang masama. Maaaring ihambing ito sa isang anak sa labas; hindi ang bata ang masama dahil ganoon ang katayuan niya, ngunit totoong masama ang pangyayaring lumikha sa kanya.

At narito naman ang tingin ko sa tinatawag na black mast. Ang mga kanta sa isang cassette, cd, o ano pa man ay nilikha para patugtugin ng maayos, at pakinggan ng diretso. Ngunit sinong matalinong taga-pakinig ang bibili ng tape o cd para pakinggan ng pabaliktad, habang hindi iyon ginawa para sa ganoong paraan? At sa tingin ko ay hindi lang naman rock songs ang lilikha ng mga kakaiba at di-kanais-nais na mga 'salita' kung pabaliktad pakikinggan. Sa tingin mo ba ay hindi rin ganoon ang maririnig mo kung pabaliktad mong patutugtugin ang "Love is All that Matters", o "Lupang Hinirang", o "Anima Christi"? Hindi sapat na rason ang black masting para sabihing musika ng demonyo ang rock. At kung may mura man sa isang kanta na rock, basta't may katuturan pa rin ang buong mensaheng ipinapahiwatig nito, ay hindi pa rin ito ang makakapagsabi na gawa ang musikang ito ng demonyo. May iba ring klase ng musika na may mura ang lyrics ng mga kanta. At hindi ba't sa panahon ngayon, halos lahat naman, bata man o matanda, ay nakapagmumura? Ibig sabihin ba nito ay gawa tayong lahat ng demonyo?

Ang rock music ay nakapagbibigay ng kaginhawaan at kasiyahan sa mga nagmamahal at tumatangkilik dito. Mabuti ito para sa amin, at naniniwala ako na ang kahit ano man na gawa ng demonyo ay hindi makabubuti para sa kahit sino man. At ang rock music ay hindi ganito. Ang rock music ay isa sa maraming instrumento ng pagpapahayag ng matitinding damdamin at saloobin. Nakabubuti ito para sa marami at hindi ito simpleng "ingay" lamang. At lalung-lalo nang hindi ito ang musika ng demonyo.

isinumite sa Fil3 noong 27june05.

hai.. tinatamad na kong ayusin yung paragraphs dito.. eck. sorry. >_<
-+reish.19july05.